Away sa sugal, nauwi sa barilan
MANILA, Philippines - Nasa malubhang kala- gayan ngayon ang isang lalaki makaraang barilin sa sikmura ng kapwa niya sugarol dahil lamang sa away nila sa sugal, Linggo ng gabi sa Navotas City.
Nakaratay ngayon sa Tondo Medical Center ang biktimang si Nathaniel Aguilar, alyas Ranny, 33, security guard, at naninirahan sa B. Cruz Street, Brgy. Tangos, ng naturang lungsod. Pinaghahanap naman ngayon ang suspek na nakilala lamang sa alyas Kenneth at isang hindi pa nakikilalang salarin.
Sa ulat, naglalakad mag-isa ang biktima dakong alas-11:15 ng gabi sa may B. Cruz Street, Brgy. Tangos, nang harangin siya ng suspek at agad na barilin sa katawan. Nagawa namang makatakbo ng biktima hanggang sa magkaroon ng habulan ngunit masuwerteng nakapasok si Aguilar sa kanyang bahay at makapagtago.
Isinugod naman siya ng mga kaanak sa pagamutan ng matiyak na nakaalis na ang mga salarin at isinailalim sa operasyon.
Sa panayam sa biktima ng pulisya, sinabi niya na may sigalot umano sila ng suspek na si Kenneth dahil lamang sa sugal na dahilan para hantingin siya ng suspek.
- Latest