3 drug den sa Pasig ni-raid ng PDEA
MANILA, Philippines - Tatlong drug den ang nabuwag ng mga tropa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa magkakasunod na pagsalakay na isinagawa sa Pasig City iniulat kahapon.
Ayon kay PDEA Director General Isidro S. Lapeña, ang iligal na pasilidad ay pag-aari at inooperate nina Gary Jose Gutierrez; Edelyn Fantilaga, alyas Beng at Climaco Dionaldo Jr., alyas Jun.
Sina Gutierrez at Dionaldo anya ay mga lider ng ‘‘Tanda Drug Group’’ at ‘‘Asilo Drug Group’’, na nag-ooperate sa Metro Manila, partikular sa Pasig City.
Isinagawa ang pagsalakay sa pangu-nguna ni PDEA Regional Office-National Capital Region (PDEA RO-NCR Director Wilkins Villanueva sa pakikipagtulungan ng Eastern Police District, at iba pa kung saan naaresto sina Gutierrez, Fantilaga, at Dionaldo sa kanilang tahanan na nagsisilbing drug den sa Villa Monique, Esguerra St., Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City, dakong alas-3 ng nakaraang Lunes ng hapon.
Nasamsam sa operasyon ang kabuuang 38 transparent plastic sachets ng shabu na tinatayang may timbang na 105 grams, at nagkakahalaga ng P430,000 at mga drug paraphernalia.
Umabot din sa 36 na parukyano ang nadakip sa isinagawang mga raid.
Ang iba pang target ng warrant na nakilalang sa pangalang Nanay Liony, drug den owner, at asawang si Abejuela ay wala sa lugar nang isagawa ang operasyon. Sila ay pinaghahanap na ng PDEA.
- Latest