2 rookie cop sibak sa ‘tokhang for kotong’
MANILA, Philippines - Dalawang baguhang parak ang sinibak sa kanilang puwesto at isinasailalim ngayon sa masusing imbestigasyon makaraang ireklamo ng pangongotong ng dalawang katao na hiningian umano nila ng P24,000 salapi at tinangay pa ang mga alahas makaraang dakpin dahil sa ipinapatong na kaso sa iligal na droga sa Valenzuela City.
Kinilala ni Northern Police District Director, Chief Supt. Roberto Fajardo ang mga nasibak na sina PO1 Benjie Sumaya, 35, ng Tondo, Maynila; at PO1 Denmark Pacheco, 30, ng Taguig City, at kapwa nakatalaga sa Police Community Precinct ng Valenzuela City Police.
Pinadisarmahan at tinanggalan na ng tsapa at PNP ID ni Fajardo ang naturang mga pulis at ipinag-utos na ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga ito bukod pa sa kinakaharap na kasong administratibo.
Base sa ulat ng Valenzuela City Police, Enero 6 nang dakpin nina Sumaya at Pacheco sina Benjie Macapagal, 34; at Dimple Magramo, 34, sa may San Miguel Heights, Brgy. Marulas, dahil sa umano’y kaso sa iligal na droga. Ngunit sa halip na dalhin sa istasyon ng PCPP 3, dinala sina Macapagal at Magramo sa lumang istasyon ng PCP 3 sa may Dona Ata St., Brgy. Marulas at nanghingi umano ng P100,000 kapalit ng kanilang kalayaan at kung hindi ay masasampahan ng kaso na walang piyansa.
Nagawa namang makahingi ng kabuuang P24,000 ng mga biktima sa kanilang magulang habang tinangay din umano ng mga suspek ang mga silver na alahas at cellular phone ng mga biktima. Dito lamang sila pinalaya ng mga pulis matapos na takutin na huwag magsusumbong kahit kanino dahil sa posibleng may masamang mangyari sa kanila.
Enero 26 nang muling bumalik ang dalawang pulis sa bahay ng mga biktima at muli silang binantaan na huwag magsusumbong dahil sa posibleng ma-bonnet gang umano sila. Dito na nangamba sa buhay si Magramo kaya naisumbong ito sa kanilang kaanak na siya namang nag-ulat ng insidente kay Senior Insp. Gina Farinas, hepe ng PCP 3.
Nagkasa ng entrapment operation ang PCP 3 na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawang pulis. Nahaharap sila ngayon sa mga kasong kriminal na robbery extortion at grave threats sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.
“Walang lugar ang mga misfits at scalawags sa PNP. Hindi natin tinotolerate ang mga bugok na tauhan o kinukunsinti ang mga gawaing kriminal ng mga pulis,” ani Fajardo na iginiit na isinasapubliko nila ang kapalpakan ng ilan nilang miyembro upang mahikayat ang taumbayan na makipagtulungan sa PNP sa paglilinis sa kanilang hanay.
- Latest