Lola tinodas sa harap ng anak, apo
MANILA, Philippines - Isang 68-anyos na lola ang nasawi nang barilin ng hindi nakilalang salarin sa harap ng kanyang anak at apo habang naglalakad pauwi sa kanilang bahay, kamakalawa ng gabi sa Malabon City.
Agad na nasawi ang biktimang si Milagros Masalio, 68, ng Brgy. Santulan, sanhi ng tinamong tama ng bala sa kanyang ulo. Tinamaan naman ng ligaw na bala sa braso ang obrerong si Rey Quintana, 24, na isinugod sa Valenzuela City Medical Center.
Base sa inisyal na ulat ng Malabon City Police, naglalakad ang biktima kasama ang anak na si Rhia Monsanto at apo na si Josua Mae Cojeta dakong alas-6:55 ng gabi sa may Governor Pascual Avenue sa Brgy. Catmon, nang lapitan ng nag-iisang salarin at pagbabarilin ang matanda sa ulo dahilan ng kanyang agad na kamatayan.
Bumibili naman ng pagkain sa malapit na karinderya si Quintana nang tamaan ng ligaw na bala sa naturang pamamaril. Agad namang tumakas ang salarin matapos ang kanyang krimen.
Rumesponde naman ang mga tauhan ng Police Community Precinct 9 ngunit bigo na masakote ang salarin. Isang basyo ng bala ng kalibre .9mm na baril ang natagpuan sa lugar ng krimen.
Patuloy ang malalimang imbestigasyon sa naturang krimen na nakatutok sa pag-alam sa motibo ng pamamaslang. Hinihinala naman na isang bayarang hitman ang may kagagawan ng pamamaril.
- Latest