6 na kalansay ng tao, magkakapatong na natagpuan sa hideout ng drug syndicate
MANILA, Philippines – Nasa anim na kalansay ng tao ang nadiskubreng isinemento sa pader na dingding sa basement ng isang abandonadong four-storey building sa Islamic Center sa Marawi St., Quiapo, Maynila, kahapon.
Habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa tuluyang natitibag at nakukuha ang mga kalansay dahil sa matagal na prosesong kinakailangan.
Sa inisyal na ulat mula sa tanggapan ni P/Senior Supt. Fer-nildo De Castro, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas -7:30 ng umaga nang madiskubre ang mga kalansay ng mga batang naglalaro sa lugar.
Aksidenteng pumasok ang mga bata sa loob ng abandonadong gusali at agad na nagsilabas dahil sa mabahong amoy. Ipinarating agad ito kay Sultan Yusoph Guinto, officer-in-charge ng Barangay 648, Zone 67 kaya inalam kung saan nagmumula ang masangsang na amoy hanggang sa matagpuan ang mga bangkay na nakasalansan sa pagkakasemento sa dingding na malapit sa hagdanan ng basement.
Kinumpirma ni OIC Chairman Guinto na ang abandonadong gusali ay dating pinaglulunggaan ng mga ‘‘tulak’’ at naniniwala siya na may kaugnayan isa iligal na droga ang mga napatay.
Sinasabi ring hideout umano ni dating Chairman Faiz Macabato, ng nasabing barangay ang gusali. Nang mapatay umano si Macabato noong Oktubre 7, 2016, sa isinagawang raid ay hindi nagtagal ay nagsialisan na ang mga nanunuluyan doon. Bukod kay Macabato ay 6 pa ang napatay din ng nasabing operasyon.
Sa impormasyon, kalakaran na sa nasabing lugar na pag may atraso ang mga bumibili ng iligal na droga ay hindi na nakalalabas nang buhay. Posibleng hindi lamang umano 6 ang bangkay na nakalibing sa Islamic Center na may kaugnayan sa iligal na droga.
- Latest