Resulta ng imbestigasyon ng NBI, hinihintay ng kaanak ng dalagitang tinamaan ng ligaw na bala
MANILA, Philippines – Nilinaw kahapon ng ina ni Emilyn Villanueva, ang dalagitang tinamaan ng ligaw na bala sa Malabon City na kamakalawa ay tuluyan nang binawian ng buhay na wala silang anumang sama ng loob sa pulisya, gayunman hinihintay pa rin nila ang resulta ng imbestigasyon ng NBI ukol dito.
Kasabay nito, nagpasalamat din si Marilyn (ina ng biktima) sa local government ng malabon sa pinansiyal na tulong na ipinagkaloob sa kanila.
Kasunod ng tuluyang pagkasawi ni Emilyn, iniakyat na ng Malabon City Police sa kasong reckless imprudence resulting in homicide na isinampa sa suspek.
Sinabi ni Malabon City Police chief, Sr. Supt. John Chua na pinabago na nila ang kasong isinampa sa Malabon City Prosecutor’s Office sa suspek nang tuluyang pumanaw si Emilyn. Sa kabila nito, hindi pa rin pinangalanan ni Chua ang suspek upang hindi umano masunog ang ginagawa nilang mga operasyon upang madakip ito.
Bukod sa naturang kaso, nahaharap din ang suspek sa kasong attempted murder na isinampa naman ng isang barangay tanod sa Brgy. San Agustin na orihinal na target umano ng pamamaril ng suspek na hindi tinamaan habang ang dalagita ang nasapul sa ulo.
Nangako naman si Chua na gagawin ang lahat upang madakip ang salarin sa mabilis na panahon sa kabila ng pagdududa ng pamilya ng biktima na una nang nagsabi na walang naganap na kaguluhan o pamamaril sa kanilang lugar nang tamaan ng bala ang kanilang anak.
Isinailalim naman sa awtopsiya ang bangkay ng biktima upang matiyak ang resulta ng pagpasok ng bala sa ulo niya at makakuha ng mga teorya.
Sa salaysay ni Chua, target talaga ng suspek ang isang tanod sa naturang barangay na naging saksi umano sa gina-wang pagpatay ng suspek sa isang pulis kamakailan. Unang nagpaputok umano sa ere ang suspek bago dalawang beses na binaril ang tanod na masuwerteng hindi tinamaan.
Nasa 100-200 metro umano ang layo ng barilan sa kinaroroonan ng biktima na nakayuko umano dahil sa may binabasa sa cellular phone kaya sa bumbunan siya tinama-an ng bala habang nasa mataas na lugar ang salarin.
Pumasok na rin ang National Bureau of Investigation (NBI) sa kaso sa pagsasagawa ng “parallel investigation”. Kabilang sa aalamin ng NBI kung aabot ba ang bala sa itinuturong lugar ng barilan sa kinaroroonan ni Villanueva.
- Latest