Bagitong pulis, timbog sa indiscriminate firing
MANILA, Philippines – Ipinagdiwang ng isang bagitong pulis sa kulungan ang pagsalubong sa Bagong Taon nang arestuhin ng mga kapwa pulis dahil sa illegal na pagpapaputok ng baril sa Tondo, Maynila.
Hawak pa ni PO1 Daniel Castillo, 26, residente ng Welfareville Compound, Mandaluyong City at nakatalaga sa Gagalangin Police Community Precinct ang baril nang datnan ng mga pulis na noo’y rumesponde sa isang tawag.
Lumilitaw na nagpapatrulya umano sina PO1’s Rommel Sulat at Pius Owen Canlas sa may kahabaan ng Benita Street, Brgy. 179, Gagalangin, Tondo nang makarinig sila ng sunud-sunod na putok ng baril dakong alas 11:56 ng gabi.
Agad na iniradyo nina Sulat sa Manila Police District-Station 1 commander P/ Supt. Robert Domingo kung saan iniutos naman nito na arestuhin ang responsible sa pagpapaputok ng baril.
Nang pagliko sa kalsada sinalubong sila ng isang residente at itinuro si Castillo, na siyang nagpapaputok ng walang habas.
Mapayapa naman sumama ang pulis na noon ay nakasuot ng sibilyan at nakatikim ng mga maanghang na salita kay Domingo at iniutos rin nito ang pagsasampa ng kaso laban kay Castillo.
Nalaman na nagpositibo rin si Castillo sa alcohol dahilan para mas lalong bumigat ang kanyang kaso at kinumpiska rin ang kanyang service firearms.
- Latest