3 utas sa buy-bust
MANILA, Philippines - Tatlo katao ang nasawi sa magkahiwalay na drug operations sa Tondo at San Andres Bukid, sa Maynila, kamakalawa ng gabi at kahapon ng madaling araw.
Kahapon ng madaling araw nang iulat ang pagkapatay sa magkapatid na sina Rodolfo Tan, 48, car wash boy, at Jerome Tan, 35, residente ng Tondo. Nabatid na dakong alas 2:20 ng madaling araw nang isagawa ng Manila Police District-Station 2-Station Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Unit (SAID-SOTU) ang buy-bust operation laban sa magkapatid sa kanilang bahay.
Habang bumibili umano ang poseur buyer na si PO1 Willard Fajardo sa suspek na si Rodolfo ay namukhaan ito ng huli na pulis kaya nagbunot ng baril at ipinutok na hindi naman tumama. Naging alerto naman ang back-up ni PO1 Fajardo kaya binaril ang suspek na tinamaan sa leeg.
Nang lumabas naman si Jerome ay tinangka nitong sumaklolo sa kapatid hawak ang isa pang kalibre 38 baril subalit siya ay nabaril naman sa ulo at braso.
Dinakip naman ng mga operatiba ang misis ni Rodolfo na si Carolina dahil hinaharang nito ang operasyon na nagtangkang itago ang mga plastic sachet ng shabu.
Samantala, dakong alas-10:30 ng gabi ng Miyerkules ay nasawi naman ang drug suspect na si Emelio Blanco, alyas Jack Lord, 36, residente ng San Andres Bukid.
Nasa talaan umano ng barangay drug watch si Blanco na natuklasang hindi pa rin humihinto sa iligal na gawain kaya ikinasa ang buy-bust operation ng mga tauhan ng MPD-Station 6, sa kanilang tahanan. Dahil sa alam na umano ng suspek na mga pulis ang nasa labas ng bahay ay kumuha ito ng baril at nakipagputukan na ikinasawi niya.
- Latest