4 dedo sa buy-bust
MANILA, Philippines - Umabot sa apat na katao ang nasawi kaugnay sa magkakahiwalay na drug operations sa Sampaloc at Tondo, Maynila, kamakalawa ng hapon at kahapon ng madaling araw.
Dakong alas- 4:15 nang ideklarang dead-on-arrival sa Ospital ng Sampaloc ang drug suspect na si Nelson Vinas, 51, residente ng M.F. Jhocson St., Sampaloc, Maynila.
Sa ulat ni SPO1 Lester Evangelista ng Manila Police District-Homicide Section, sinalakay ng mga tauhan ng MPD-Station 4 ang bahay ng suspek na patuloy umano ang pagdagsa ng mga parukyano sa shabu at nang makita ang presensya ng mga pulis ay kumuha umano ng baril at nakipagputukan subalit siya ang bumulagta.
Isinugod pa siya sa pagamutan subalit hindi na umabot ng buhay habang inaresto ang kasama niyang babae na isang alyas “Evelyn”.
Bandang alas-12:30 naman ng madaling araw nang mapatay ng mga tauhan ng MPD-Station 1 ang mga suspek na sina Winaldo Durion, 38, na nakatira lamang sa barung-barong sa gilid ng Community Market sa Permanent Housing, sa Tondo, Maynila; at Bryan Yungot, 34, residente ng Juan Luna St., Tondo.
Isang buy-bust operation ang isinagawa laban sa mga suspek at habang nagtransaksiyon ay nakatunog ang mga ito na pulis ang kaharap kaya bumunot ng baril at tinangkang putukan ang isa sa operatiba.
Nakabantay naman ang back-up na mga pulis kaya naunahan ang suspek sa putukan na ikinabulagta nito.
Dakong ala-1:40 naman ng madaling araw nang masawi naman sa engkuwentro sa pagitan ng di pa kilalang suspek at mga tauhan ng MPD-Station 2 sa bahagi ng Tondo.
Inilarawan ang napatay sa edad 30-35, may taas 5’0-5’2, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng gray na t-shirt at kulay itim at kumbinasyong gray na shorts.
Hindi umano akalain ng mga pulis na papuputukan sila nang sitahin ang lalaki kaya nabaril ito at napatay nang madaanan habang nagpapatrulya.
- Latest