3 Koreano, 3 Pinoy timbog sa anti-drug operation
MANILA, Philippines – Tatlong Korean national na responsable sa pagpapadala ng iligal na droga sa pamamagitan ng parcel sa bansang Korea at Amerika at tatlo pang Pinoy ang naaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) makaraan ang pagsalakay sa kanilang tinutuluyang high-end condominium sa Makati City.
Sa ulat ni QCPD Director Guillermo Eleazar kay NCRPO Director Oscar Albayalde, nakilala ang mga dayuhang suspek na sina Bang Kho Laem, alyas Mr. Kuo o Chi Pui Wong, 49; Isaac Kho, alyas Kiderk Kim o Kook Jung Wung, 51; Jintaek Lee, 42; at mga Pinoy na sina Jaypee Soriano, 24, residente ng Brgy. Payatas; Arby Diaz, alyas Arbeen Jhielyn Diaz, 20, ng Pandacan, Maynila at Kathleen Nonato y Gali, 32 ng Sitio Mendez, Quezon City.
Sila ay naaresto ng mga operatiba ng District Anti-Illegal Drugs (DAID) at District Special Operating Unit (DSOU) sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Executive Judge Bernelito Fernandez ng QCRTC Branch 97, sa isang high-end condominium sa Makati City dakong alas-12:30 ng madaling araw.
Ayon pa kay Eleazar, isinagawa ang operasyon makaraang makatanggap ng isang tip mula sa isang concerned citizen kaugnay sa operasyon ng mga suspek na kumikilos sa Makati at Quezon City.
Modus operandi ng mga suspek ay magsingit ng gramo ng shabu sa mga papeles na nasa loob ng expandable folder bago ipapadala sa South Korea at sa United States gamit ang isang courier company.
Nasamsam sa condominium unit ng mga suspek ang mga baril, dalawang laptop, mga envelope kung saan nakalagay ang 16 na plastic sachet ng shabu, at drug paraphernalia. Samantala, sugatan naman sa operasyon si P/ Senior Insp. Paterno Domondon ng DAID-SOTG, makaraang masaksak sa kamay ng samurai ng mga dayuhan.
Ang mga suspek ay mahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Drugs Act of 2002 at R.A 10591 o comprehensive firearms and ammunition regulation act.
- Latest