LTFRB, iskul binulabog ng ‘bomba’
MANILA, Philippines - Nabulabog ang transaksyon ng mga kawani at kliyente ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ( LTFRB) sa Quezon City, makaraang makatanggap ng bomb threat, kahapon ng umaga.
Sa inisyal na ulat ni SPO2 Arman Florent ng Quezon City Police District Station-10, dakong alas-11 ng umaga nang makatanggap ng tawag sa telepono ang isang Danica Clintock, administrative aide V1 ng LTFRB hingil sa nasabing pagsabog.
Sinabi umano ng caller na “Ma’am umalis na po kayo diyan, may bomba sa CR sasabog in 20 minutes”, saka iniwan na lang basta ang telepono na naka-hang.
Agad namang ipinagbigay alam ni Clintock ang mensahe sa mga awtoridad at mabilis na pinalabas ng tanggapan ang mga empleyado at mga kliyente ng LTFRB.
Ayon kay SPO2 Florent, mabilis namang nag-responde ang mga operatiba ng Explosives Ordnance Division (EOD) ng QCPD sa LTFRB at nagsagawa ng pagsisiyasat sa buong tanggapan, subalit makalipas ang alas-11:42 ng umaga ay lumabas na negatibo sa bomba.
Agad din pinabalik sa kanilang trabaho ang mga empleyado at itinuloy ang transaksyon sa mga kliyente nito.
Ayon sa report na natanggap ng Makati City Police, alas-3:05 ng hapon nang matanggap ang tawag mula sa hindi nagpakilalang caller ng telephone operator na si Nicka Mae M. Engbin na may bomba sa sangay ng Lyceum, College of Law sa LP Leviste St., Salcedo Village, Brgy. Bel-Air ng naturang siyudad.
“Ang tigas ng ulo ng mga Laurel. May tauhan kami na nagtratrabaho sa Lyceum, humanda kayo diyan sa Lyceum Manila, Makati, Cavite. Kung ayaw ninyo madamay umalis na kayo diyan”, ito ang mga katagang narinig ng tatlong kawani ng naturang unibersidad sa loob ng 20 segundo.
Dahil sa insidente, nabulabog ang ilang mga kawani at estudyante ng naturang paaralan at kaagad itong ipinagbigay alam sa tanggapan ng Makati City Police.
Mabilis na rumisponde ang EOD at K-9 team ng Makati City Police sa naturang unibersidad para magsagawa ng inspection kung saan sandaling pinalabas muna ang mga kawani at mga estudyante.
Matapos i-inspection ang buong gusali ng paaralan, negatibo naman ito sa sinasabing bomba at alas-4:26 ng hapon nang ideklara ng mga pulis na ligtas naman ang lugar.
- Latest