Sagabal sa daan giniba, mga naka-park hinila R10 sinuyod ng city hall, DPWH at MMDA
MANILA, Philippines - Nagulantang ang mga residente sa kahabaan ng Road 10 sa Tondo, Maynila nang sabay-sabay na duma-ting ang mga tauhan ng Manila City Hall, Department of Public Works and Highways at Metropolitan Manila Development Authority upang linisin ang kalsada mula sa mga obstruction at sasak-yang ilegal na naka-park.
Hindi malaman ng mga residente ang gagawin nang bumulaga sa kanila ang 10 towing truck ng MMDA, upang hatakin ang mga sasak-yan; limang truck ng DPWH upang hakutin ang basura at illegal construction gayundin ang mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau na nagtiket sa mga illegally park vehicle at Department of Public Service na naglinis sa lugar.
Ayon kay Che Borromeo, hepe ng DPS, kailangan nang linisin ang kahabaan ng R10 dahil itinuturing din itong ‘‘Mabuhay Lane’’ o alternatibong daan patungong Makati o NAIA.
Sinabi ni Borromeo na bibigyan nila ng tatlong araw ang mga may-ari ng concrete establishment na nakakaharang sa daanan ng mga sasakyan na gibain ang mga ito. Makalipas ang tatlong araw at walang nangyari sa kanilang abiso, mapipilitan silang gibain ito.
Aniya, dapat na ibalik sa dating 6 lanes ang kalsada upang mas maging mabilis ang operasyon ng kalakal at daloy ng sasakyan.
Alas -8:45 ng umaga nang simulan ang joint clearing operation kung saan hindi nakaligtas sa pagbabaklas ng obstruction ang barangay hall ni Brgy. Chairman Mario Palarca ng Brgy. 30 Zone 2.
Nagkaroon din ng tensiyon nang almahan ng isang pamilya na may kainan ang pagbabaklas ng DPS. Tinangkang pigilan ng mga ito ang mga tauhan ng DPS na gibain ang kanilang maliit na kainan subalit wala ding nagawa ang mga ito.
- Latest