Napatay na siklista, inilibing na
MANILA, Philippines – Nailagak na sa kanyang huling hantungan ang napatay na siklistang si Mark Vincent Garalde sa Loyola Memorial Park sa Marikina City kahapon ng umaga.
Naging madamdamin ang naturang libing na dinaluhan ng kanyang mga kaanak, kaibigan at mga siklista na nakikiramay sa kanyang pagkamatay.
Namataan din sa libing si Public Attorney’s Office Chief Atty. Persida Rueda-Acosta at mga kinatawan ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC).
Bago ang libing, isang misa ang isinagawa sa Quiapo Church dakong 7:00 ng umaga.
Pagkatapos ng misa ay sinimulan na ang funeral convoy ngunit bago tuluyang nagtungo sa Loyola Memorial Park ay tumigil muna ito sa pinangyarihan ng krimen at nagtirik ng kandila ang mga kaanak ni Garalde.
Matatandaang si Garalde ay binaril at napatay ng army reservist na si Vhon Martin Tanto matapos ang away-trapiko sa P. Casal St. sa Quiapo, Manila dakong alas-9:36 ng gabi noong Hulyo 25.
Nadamay sa insidente si Rosell Bondoc, 18, nang tamaan ng ligaw na bala sa likod.
- Latest