Pumatay sa amain, sumuko
MANILA, Philippines – Sumuko na kahapon ng hapon sa tanggapan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region (PNP-CIDG-NCR) ang 22-anyos na binata na nakapatay sa amain nito sa pagtatanggol sa kanyang ina sa isang cottage sa Baguio City noong Mayo 29 ng gabi.
Kinilala ni PNP-CIDG -NCR Chief P/Sr. Supt. Ronald Lee ang sumukong suspect na si Bonjovi Jovellano, tubong Pasay City at isang massage therapist.
Si Jovellano ay tumakas matapos nitong mapatay ang amain na si Reynaldo Forto, 48 anyos, reflexologist, tubong Laguna na pinagsasaksak nito ng pitong beses.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong homicide sa Baguio City na siyang pinangyarihan ng krimen.
Sa imbestigasyon, naaktuhan ng suspek na sinasakal ng biktima ang kanyang inang si Myra Ruiz sa gitna ng pagaaway ng ginang at ng kaniyang live-in partner na naganap sa isang lodging house sa Baguio City habang nagbabakasyon ang mga ito sa summer capital ng bansa.
Nabatid na tinangka ng binata na awatin ang amain na umano’y kumuha ng patalim sa kusina at inumangan siya ng saksak pero naagaw niya ito kung saan sa tindi ng galit ay pinagsasaksak ng pitong beses ang amain na siya nitong ikinasawi.
Sinabi ni Lee na matapos ang ilang araw ay nagdesisyong sumurender sa PNP-CIDG-NCR ang suspect upang panagutan ang krimen.
Nakatakda naman nilang iturnover ang sumurender na suspect sa kustodya ng Baguio City Police.
- Latest