^

Metro

Lola tupok sa sunog sa Tondo

Ludy Bermudo at Doris Franche-Borja - Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines - Isang 70-anyos na lola ang namatay sa sunog na tumupok sa may 100 kabahayan bunsod ng uma­no’y ‘jumper’ o iligal na koneksiyon ng kuryente, sa Tondo, Maynila, kaha­pon ng madaling-araw.

Kinilala ang biktimang si Victoria Mina, na sinasabing hindi na makalakad at hinihinalang nakalimutang iligtas ng kanyang mga kasama sa bahay.

Sa ulat ni SFO1 Louie Ebio, ng Manila Fire Bureau, ang sunog ay nagmula sa bahay ng isang Jocelyn Miranda, sa no. 1360-B Narcisa St. Tondo, Maynila dakong alas-3:16 ng madaling-araw.

Umakyat ang alarma sa Task Force Alpha na tumagal hanggang walong oras at idineklarang fire control dakong alas-11:12 ng umaga.

May mga bahagyang nasugatan at nasuffocate kabilang ang isang 98 an-yos na si Felisa Gomez.
Kinansela din ang pasok sa kalapit na Chang Kai Shek College.

Kaugnay nito, agad namang  namahagi ng pagkain at damit ang Manila Department of Social Welfare sa pangunguna ng hepe nito na si Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan.

Naglagay din ng mga portalet na magagamit ng mga nasa relocation site gayundin ang pamamahagi ng mga gamot at vitamins na pananggalang sa mga sakit na posibleng makuha sa relocation site.

Tiniyak ni Pangan na tuluy-tuloy ang kanilang ayuda  hanggat hindi  naibabalik  ang mga nasunugan.

Samantala, sugatan din sina F01 Daniel Resona­ble, na nagtamo ng 2nd degree burn sa kaliwang tuhod; Michael Lim, na nakaramdam ng pananakit  sa kanyang balikat; at Russel Tacob, na nagtamo ng paso sa kanyang kanang daliri nang lamunin ng apoy ang isang commercial/residential na gusali sa Quezon City kahapon.

Ayon kay Senior Supt. Jesus Fernandez, city fire marshal, ang mga biktima ay nasugatan habang nagtutulong tulong sa pag-apu­la sa nasusunog na dalawang palapag ng gusali ng Tamagawa Metal Product and Bogart Enterprise na matatagpuan sa no.36 Matutum St., Brgy. St. Peter, na pag- aari ng isang Toh Chin Caa.

Sa pagsisiyasat, naganap ang sunog sa ground floor o varnised area ng nasabing gusali na nagsimula dakong alas-12 ng tanghali kahapon.

Sinasabing bigla na lang may nakitang usok sa nasabing lugar hanggang sa maging apoy ito at dahil may mga kemikal ay mabilis na kumalat hanggang sa ikalawang palapag.

Agad namang rumes­ponde ang mga bumbero pero bahagyang nahirapan ang mga ito dahil sa mga sagabal sa daanan.

Gayunman, umabot lamang ng ikatlong alarma bago tuluyang naapula ito at ideklarang fire out sa oras na ala-1:47 ng hapon.

Patuloy ang clearing operation ng BFP sa nasabing insidente upang matukoy ang sanhi ng sunog at magkano ang halaga ng napinsalang ari-arian. (May dagdag ulat si Ricky T. Tulipat)

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with