Welder dedo sa crates ng bakal sa planta
MANILA, Philippines – Naaagnas na nang madiskubre ang bangkay ng isang welder na may tatlong araw ng nawawala nang madaganan ng crates na puno ng bakal sa pinapasukang planta, kahapon ng umaga sa Malabon City.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-8:30 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ni Noriel Remorosa, 21, at residente ng No. 135 P. Burgos Street, Caloocan City ng kasamahan sa trabaho na si Julio Simba, 29, sa loob ng Toneiki Industrial Corporation sa may No.122 M.H. Del Pilar St., Brgy. Santulan, ng naturang lungsod.
Nabatid na huling nakitang buhay si Remorosa noong nakaraang Linggo (Mayor 14) dakong alas-4 ng hapon sa loob ng naturang planta. Mula noon ay hindi na nakita ito at inakala ng mga kasamahan na hindi lamang nagpapapasok sa trabaho.
Ayon kay Simba, nakaamoy siya ng mabaho sa loob ng planta kaya sinundan niya ang pinagmumulan nito. Nakarating siya sa salansan ng mga crates na naglalaman ng “U-head steels” na bawat isa ay may timbang ng higit 1,000 kilo. Dito rin niya napansin ang bangkay ng isang lalaki na nadadaganan ng mga crates.
Nang maiangat ang mga nakadagan na crates, dito nadiskubre na ang nawawalang si Remorosa na nag-uumpisa nang maagnas.
Agad namang ipinagbigay alam sa pamilya ni Remorosa ang pangyayari habang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya upang mabatid kung may posibilidad na “foul play”. Inaalam din naman ang posibleng pananagutan ng kumpanya sa pagkamatay ng kanilang empleyado.
- Latest