Chinese tiklo sa P45-M drug bust
MANILA, Philippines – Umaabot sa P45 milyong halaga ng shabu ang nasamsam ng mga operatiba ng National Capital Region–Criminal Investigation and Detection Group (NCR-CIDG) kasunod sa pagkakaaresto sa isang Chinese na pinaniniwalaang big time drug trafficker sa operasyong isinagawa sa Malate, Manila kamakalawa ng gabi.
Sa report ni NCR–CIDG Chief P/Senior Supt. Ronald Lee, kinilala ni PNP-CIDG Chief P/Director Victor Deona ang nasakoteng suspect na si Norman Hung Wang.
Bandang alas-11:20 ng gabi nitong Martes ng magsagawa ng anti-illegal drug operations ang mga elemento ng CIDG–NCR sa harapan ng Harrizon Plaza, Adriatico St., Brgy. 720, Zone 78, Malate sa lungsod ng Maynila.
Ayon kay Deona si Wang ay nasakote sa aktong tinatanggap ang marked money mula sa poseur buyer ng mga tauhan ng CIDG –NCR sa pakikipag-koordinasyon sa MPD operatives kapalit ng isang kilo ng shabu sa loob ng sasakyan ng suspect.
Nasamsam pa mula kay Wang ang siyam na kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P45 milyon, isang kulay kayumangging envelope, travel bag na naglalaman ng droga na nakatago sa behikulo nito; P 800,000 pekeng pera kabilang ang marked money, sari-saring mga identification cards at ang kulay abong Toyota Altis na gamit nito sa illegal na transaksyon sa pagbebenta ng droga.
Inihayag ni Deona na ang operasyon ay alinsunod sa pinalakas na anti-drug campaign ng PNP.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act ang nasakoteng Intsik na kasalukuyan nang nakapiit at patuloy na iniimbestigahan sa illegal nitong pagtutulak ng droga.
- Latest