MRT-3, Pasig ferry, tigil ang biyahe sa Semana Santa
MANILA, Philippines - Apat na araw na ititigil ng pamunuan ng Metro Rail Transit (MRT-3) ang kanilang biyahe ngayong Mahal na Araw upang bigyang-daan ang taunang maintenance work nito.
Sa isang advisory na inisyu ng MRT-3, nabatid na hindi muna bibiyahe ang kanilang mga tren mula Marso 24, Huwebes Santo, hanggang sa Marso 27, sa Linggo ng Pagkabuhay.
Magbabalik naman ang normal na operasyon nito sa Marso 28, Lunes, ganap na alas-4:30 ng madaling araw.
Ang MRT-3 ang nag-uugnay sa Taft Avenue sa Pasay City at sa North Avenue sa Quezon City via Epifanio delos Santos Avenue (EDSA).
Nauna nang nagpala- bas ng kahalintulad na advisory ang Line 1 at Line 2 ng Light Rail Transit (LRT).
Samantala, wala ring biyahe ang Pasig ferry simula Marso 24 hanggang 26 (Huwebes Santo hanggang Sabado de Gloria).
Ito ang abiso kahapon ng Metropolitan Manila Deve-lopment Authority (MMDA), kaugnay pa rin ito sa paggunita ng Semana Santa.
Sa Lunes na (Marso 28) ang balik operasyon ng Pasig ferry system.
Nabatid na may 15 ferry boats ang kasalukuyang bumabiyahe sa 12 stations na kinabibilangan ng Pinagbuhatan, at San Joaquin sa Pasig City; Guadalupe at Valenzuela sa Makati City; Hulo sa Mandaluyong City; PUP Sta. Mesa, Sta. Ana, Lambingan, Lawton, Escolta, at Plaza Mexico sa Maynila.
- Latest