Lisensya ng bus driver na umararo sa plastic barriers sa EDSA, kinansela
MANILA, Philippines – Kinansela na ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng driver ng Joanna Jesh Transport na umararo sa orange barriers ng MMDA sa kahabaan ng EDSA.
Nabatid na lumutang na ang driver na nakilalang si Rowell Labin ng project 2, Quezon City na nagsabing hindi siya nakikipagkarera sa isa pang bus. Sinisisi pa nito ang pwesto ng mga barriers na naararo nito sa EDSA.
Idinepensa ni Labin na dalawang linggo pa lamang siyang nagda-drive test sa bus ng Joanna Transport at agad siyang pinagmaneho. Hindi rin anya niya kasama ang operator ng bus company para pumunta sa LTFRB dahil sa pinagbantaan pa siya anya ng guard ng kompanya nang magtungo doon.
Pero aminado ito na tatlong beses siyang bumagsak sa pagkuha ng professional driver’s license.
Bunga nito, nirekomenda ni Inton na kanselahin ng LTO ang drivers license ni Labin.
Kasabay nito sinabi naman ni LTFRB boardmember Atty. Ariel Inton na dapat ding managot sa batas ang may-ari ng bus company.
“Pinayagan agad na magmaneho itong driver at hindi ganito ang tamang alituntunin sa pagkuha ng driver ng mga operator kayat mananagot itong may-ari ng Joanna Jesh at posibleng matanggalan namin ng franchise,” dagdag pa nito.
Sinasabing ang isa pang bus ng Joanna Jesh ay na-sangkot na din sa isang madugong aksidente sa EDSA noong 2008 kung saan isang doktor ang nasawi.
- Latest