Holdaper bulagta sa shootout
MANILA, Philippines – Utas ang isang holdaper matapos na makipagbarilan sa mga awtoridad sa isinagawang operasyon, kahapon ng madaling araw sa Tondo, Maynila.
Kinilala ni SPO2 Charles John Duran, ng MPD-Homicide section ang nasawi na si Larry dela Torre, alyas Larry Mata, 40, miyembro ng ‘Sigue-Sigue Sputnik’ at nakatira sa Capulong St., Brgy 93 Zone 8, District I, Tondo, Maynila.
Isa lamang ito sa tatlong holdaper na sinasabing nangholdap sa isang sangay ng Andoks Lechon Manok sa Juan Luna, Tondo, Maynila kahapon ng madaling araw.
Sa ulat, dakong alas- 2:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Capulong kanto ng R-10 sa nasabi ding lugar.
Nabatid na nagsasagawa umano ng follow up operation ang mga tauhan ng Pritil PCP at tauhan ng PS1-Raxabago sa kahabaan ng Capulong matapos magreklamo ang biktimang si Raymund Alojado, empleyado ng Andoks nang holdapin ito habang naka-duty kamakalawa ng madaling araw.
Bunsod nito, agad na nagsagawa ng follow up operation ang mga awtoridad at ginalugad ang lugar na kinaroonan ng suspek at dalawa pa nitong kasamahan.
Pagsapit sa lugar, namataan agad si Dela Torre at dito na nagkaroon ng putukan.
Napag-alaman din na si Dela Torre ay dati nang naaresto at nakulong sa Raxabago PS1 noong June 22, 2015 sa bisa ng warrant of arrest dahil sa kasong theft.
- Latest