Anggulong NPA sa pagpaslang kay Mañalac, pinagdududahan
MANILA, Philippines – Hindi kumbinsido ang Northern Police District (NPD) sa anggulong ang New People’s Army (NPA) ang nasa likod ng pamamaslang kay Malabon 2nd District Councilor Merlin ‘Tiger’ Mañalac.
Sinabi ni Task Force Merlin head Chief Insp. Anthony Gantang na hindi muna nila pinaniniwalaan na ang “liquidation group” ng makakaliwang grupo ang nasa likod ng krimen sa kabila ng pag-iiwan ng pulyetos na buhat sa “PARTISANO o Armadong Operatiba ng Partido Marxista-Leninista ng Pilipinas.
Nakasaad sa pulyetos na nakalap rin ng PSN, na si Mañalac ang utak umano sa pagpaslang kay Peter Villaseñor, ang pinuno ng Partisano sa Malabon. Inakusahan rin si Mañalac na sangkot sa mga iligal na aktibidad sa pasugalan, putahan at droga.
“Hindi lang pagpaslang kay Ka Peter ang kasalanan at utang dugo nito (Mañalac), kundi ang iba pang kriminal na aktibidad nito sa lipunan,” ayon sa Partisano.
Sinabi ni Gantang na sa mga nakalipas na pamamaslang ng NPA lalo na sa mga pulitiko, karaniwan na bukod sa iniiwang mga kalatas ay inaako rin ng kanilang pamunuan ang pagpatay na ipinaaalam sa pamamagitan ng media. Ang iniwang kalatas ng nagpapakilalang Partisano ay maaari naman umanong gawin ng kahit sino kaya maaga pa bago magbigay ng konklusyon.
Kasalukuyang kumikilos na rin ang Intelligence Section ng NPD upang kilalanin ang nagpakilalang lider ng Partisano na si Leni Katindig.
May nakalap na rin na kuha ng closed circuit television camera (CCTV) ang Task Force na ipasasailalim sa enhancing sa pag-asang makilala ang mga suspek na namaril sa konsehal.
- Latest