‘Dugo-dugo gang’ muling umatake
MANILA, Philippines – Muli na namang umatake ang grupo ng ‘Dugo-Dugo gang’ matapos na mabiktima ang isang pamilya at matangayan ng alahas na nagkakahalaga ng P100,000, ayon sa pulisya kahapon.
Ito ang nabatid matapos na dumulog sa tanggapan ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ang biktima na nakilalang si Marilyn Navarro, 50, upang magreklamo matapos na matangayan ng mga alahas ng kilabot na ‘Dugo-dugo gang’ na may ganitong modus operandi.
Nakuha mula sa pamilya Navarro ang apat na piraso ng kuwintas, dalawang bracelet, at isang lady’s watch na nagkakahalaga ng P100,000.
Sa pagsisiyasat ng CIDU, nangyari ang insidente sa bahay ng biktima, na matatagpuan sa Dipolog St., Pael Subdivision, Brgy. Culiat, ganap na alas-12 ng tanghali.
Tulad ng modus ng grupo, nakatanggap ang kasambahay ng biktima na si Vicky Roxas ng tawag sa telepono mula sa isang lalaki na nagsabing ang kanyang among lalaki ay nasangkot sa aksidente sa sasakyan.
Dahil nangangailangan ng pera, inutusan ng caller si Roxas na magpunta sa master’s bedroom at sirain ang drawer ng amo, saka kunin ang mga laman at ilagay sa isang plastic bag saka dalhin sa isang mall sa Novaliches para doon niya kunin.
Sinunod naman ng kasambahay ang utos ng caller at nang maibigay na nito ang alahas sa nasabing lalaki ay saka siya nito pinabalik ng bahay.
Subalit, nalaman ni Roxas na siya ay naloko nang pagdating nito ng bahay ay naabutan ang lalaking amo na wala man lamang sugat sa katawan.
Dahil dito, muling nagbabala ang QCPD sa mga pamilya na turuan ang kanilang mga kasambahay na huwag basta maniwala sa mga taong tumatawag sa kanilang bahay na may kahalintulad na modus dahil isa lamang ito paraan ng sindikato para makapagnakaw.
- Latest