Operasyon ng ‘patok’ na jeep sinuspinde ng 30 days ng LTFRB
MANILA, Philippines – Sinuspinde ng 30 araw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng isang pampasaherong jeep makaraang mag-viral sa social media na pagewang-gewang ito habang pumapasada sa may Marikina City.
Ayon kay Atty. Ariel Inton, boardmember ng LTFRB, ang passenger jeepney na may plakang PPZ-269 ay pagmamay-ari ng isang Raymond Deyro ng 21 Himlayan Bayan, Barangka, Marikina City.
Iisa lamang ang jeep na nasa franchise no. 2010-04378 na may rutang Calumpang Marikina-Stop and Shop Aurora Cubao.
Sinasabing ang jeep na tinatawag na ‘patok’ ay nagpapagewang-gewang sa pasada dahil mas enjoy daw ang mga pasahero nitong kabataan at sikat ang driver nito sa ganung pamamasada.
“Mas sikat ang maingat sa pagmamaneho.Hindi kailangang maging sikat ang driver para makakuha ng pasahero, mas mahalaga diyan ay maging sikat ka sa maingat na pagmamaneho para maging ligtas sa anumang oras at huwag malagay sa alanganin ang buhay ng mga pasahero”pahayag ni Inton.
Pinagpapaliwanag na ng LTFRB ang may- ari ng naturang jeep hinggil sa naganap na insidente.
- Latest