Tandem natakot sa checkpoint, tumakbo, motorsiklo inabandona
MANILA, Philippines – Sa takot sa masita sa checkpoint ng mga tauhan ng Manila Police District-station 2, dalawang lalaki lulan ng motorsiklo ang bumaba at kumaripas ng takbo kung saan narekober sa compartment ng kanilang sasakyan ang 2 stun grenade at 2 pirasong live ammunition sa Tondo, Maynila, batay sa ulat kahapon.
Sa ulat mula sa tanggapan ni P/Supt. Nicolas Piñon, hepe ng MPD-station2, alas 10:30 ng umaga sa Road 10 malapit sa intersection ng Zaragoza St, Tondo, habang nagsasagawa ng checkpoint ang Delpan Police Community Precinct ay namataan ang pagkaripas ng takbo ng dalawang lalaki sakay ng motorsiklong Honda XRM ( 7425 ON).
Nang lapitan ng mga awtoridad ang inabandona ng mga ito na motorsiklo ay doon na nga nakita ang 2 stun grenade o flash grenade, 2 piraso ng .357 na bala.
Ayon sa Explosive and Ordnance Division, ang dalawang granada ay hindi improvised kung di ito ay tulad ng iniisyu ng pamahalaan sa mga military at kapulisan. Gamit umano ito sa mga raid kung saan pansamantalang nabubulag ng hanggang 5 minuto ang mga naaapektuhan ng pagkalat ng liwanag kung ito ay idetonate o pasabugin.Dahil dito, nagrequest na ang MPD sa Land Transportation Office (LTO) ng verification sa nakuhang plate number ng motorsiklo para matukoy ang pangalan ng may-ari nito para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.
- Latest