Baclaran nilinis sa illegal vendors
MANILA, Philippines – Matapos ang holiday season, bahagya nang lumuwag ang Baclaran matapos buwagin ang daan-daang illegal sidewalk vendors nang pinagsanib na pwersa ng pulisya at pamahalaang lungsod ng Parañaque.
Alas-10:00 ng umaga nang magsimulang magsagawa ng clearing operation ang Parañaque Police, Local Traffic Management at Paranaque City Government laban sa mga nagkalat na illegal sidewalk vendor sa kahabaan ng Taft Avenue, ilalim ng LRT station, Brgy. Baclaran.
Ang naturang hakbangin ay bunsod sa mahigpit na kautusan ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, dahil sa matinding trapik na nararanasan sa lungsod, partikular sa area ng Quirino Avenue hanggang Brgy. Tambo.
Bukod sa pagbuwag sa mga illegal sidewalk vendor, tinanggal din ng clearing operation team ang lahat ng uri ng traffic obstruction, tulad ng mga nakaparadang sasakyan.
Hindi naman nakapalag ang mga vendor na apektado sa clearing operation at tiniyak naman ng pamahalaang lungsod ng Parañaque, na isasaayos nila ang kalagayan ng mga ito upang huwag naman aniyang maapektuhan ang kanilang kabuhayan.
- Latest