Alay kay Kuya Germs Manila Metropolitan Theater, bubuhayin muli
MANILA, Philippines – Bubuhayin muli ang Manila Metropolitan Theater (MET) sa Mehan Garden para sa alaala ng yumaong si Kuya Germs Moreno upang gawin itong sentro ng sarswela, bodabil at iba pang pang-teatrikong pagtatanghal.
Ibinalita kahapon ni Manila Mayor Joseph Estrada na ibabalik nila ang dating ganda ng MET dahil pangarap aniya ni Kuya Germs na mapanumbalik ang sigla ng teatro noong maupo siyang Alkalde noong 2013.
Ang MET sa Mehan Garden (Sining Kayumanggi) sa Padre Burgos Avenue corner Arroceros Street, ay naging tahanan ng sarsuela, bodebil at iba pang sikat na pagtatanghal at kilalang artista. Ngunit ang teatrong ito ay nasa kalunus-lunos na sitwasyon na ngayon.
“Matagal ko nang nais i-rehabilitate ang MET. Lalo na sa Maynila, gustong-gusto nila yung mga sarswela. Si Gat Andres Bonifacio nga artista rin ng sarswela at saka si Kuya Germs mismo ay sa opera house... dyan nag-umpisa si Kuya Germs,” ani Mayor Estrada.
Ang Manila council ay naglaan na dati ng P230 million na pondo para matubos namin ang MET mula sa GSIS, ayon kay Estrada. “Kaya lang pinatungan pa ng National Historical Commission ng P206 million na dagdag. Naagaw ito sa amin.”
Dagdag pa ni Estrada, sana ay maibalik ang MET sa pamahaan ng Maynila, kahit joint venture o government to government deal, para magamit nila sa cultural purposes gaya ng nais ni Kuya Germs.
- Latest