Matapos ang terror attack sa Jakarta Libo pang pulis, ikakalat sa Metro Manila
MANILA, Philippines – Matapos ang terror attack sa Jakarta, Indonesia noong Huwebes, magpapakalat ng karagdagan pang libong mga pulis partikular na sa Metro Manila ang Philippine National Police (PNP ) kaugnay ng idineklarang nationwide full alert status.
Sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor, ang hakbang na ito ng PNP ay bahagi lamang ng protocol kapag may nangyayaring mga insidente ng karahasan o aktibidad ng mga terorista sa ibang bansa.
Magugunitang nitong Huwebes ay niyanig ng serye ng pambobomba ang downtown ng Jakarta, Indonesia na ikinasawi ng pito katao kabilang ang isang police officer doon, limang terorista at isang Canadian habang 17 pa ang nasugatan, isa rito ay ang Dutchman na nagtratrabaho sa United Nations Enviromental Program.
Ayon kay Mayor, asahan na ang presensya ng maraming mga pulis sa kapaligiran dahilan bukod sa regular na law enforcement operations ng kanilang mga tauhan, mayroon ding deployment sa mga checkpoints kaugnay ng May 2016 polls habang nakahanda na rin ang maneuvering forces ng PNP.
Sa text message naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Director Joel Pagdilao , sinabi nito na palalakasin pa ang security operations sa mga malls sa Metro Manila kung saan ay nakikipagkoordinasyon na sila sa mga pamunuan nito.
Sinabi ni Pagdilao na inatasan na niya ang limang District Directors sa Metro Manila na bukod sa regular beat patrols ay imobilisa na rin ang iba pang mga tactical at special units tulad ng Tactical Maneuvering Reaction (TMR), Special Reaction Unit-SWAT (Special Weapons and Action Team), Explosive Ordinance Division /K9 units at Public Safety Forces mula sa mga District at RPSB upang bantayan ang mga panguna-hing instalasyon ng gobyerno, mga kritikal na imprastraktura, sentro ng ekonomiya at mga matataong lugar.
Sa ilalim ng full alert status ng PNP, 50 % ng mga tauhan ng mga police station ay extended pa ng apat na oras ang duty.
Sa kabila nito, tiwala naman ang security forces na hindi magi-spill over sa Pilipinas ang Jakarta bombings kung saan patuloy ang monitoring ng intelligence operatives sa mga grupong banta sa pambansang seguridad.
- Latest