121 pupil nalason sa pagkain sa iskul
MANILA, Philippines – Nasa 121 estudyante na ang nalason matapos umanong bumili ng pagkain sa canteen ng kanilang paaralan sa Makati City, kahapon ng umaga.
Ito ang pinakahuling ulat na ibinigay ng Information Community Relation Department (ICRD) ng Makati City Hall Office.
Ayon kay Gilbert Delos Reyes, Officer-In-Charge (OIC) ng ICRD at spokesperson ni Makati City Mayor Romulo “Kid” Peña Jr., na nasa 121 ang bilang ng mga estudyante naging biktima ng food poisoning.
Ang mga biktima ay pawang mga mag-aaral sa Pio Del Pilar Elementary School, na matatagpuan sa panulukan ng Valderama at P. Binay Sts., Brgy. Pio Del Pilar ng naturang lungsod.
Nabatid, na 89 ang isinugod sa Palanan Health Center, Barangay Palanan ng naturang lungsod at bukod sa iba pa ang dinala sa Ospital ng Makati (OsMak) kung saan dumanas ng pagsusuka at pananakit ng tiyan ang mga biktima.
Sa inisyal na report na natanggap ng Makati City Police, alas-9:40 kahapon ng umaga naganap ang insidente sa nabanggit na paaralan.
Bumili umano ang mga biktima ng mga pagkain sa canteen ng nabanggit na paaralan tulad ng sopas at Super Thin Biscuit at pagkaraan ng ilang minuto ay nakaramdam na ang mga ito ng pananakit ng tiyan at pagsusuka.
Nalaman din, na pilit umanong pinabibili sa canteen ng mga pagkain ang mga estudyante tulad ng naturang biscuit na karamihan sa mga biktima, ito ang itinuturong kanilang kinain na naging sanhi ng kanilang pagsusuka at pananakit ng tiyan.
Napag-alaman pa, na hindi muna kaagad pinalabas ang mga estudyante ng pamunuan ng paaralan upang obserbahan ang mga ito.
Kung kaya’t labis na nag-alala ang mga magulang ng mga bata na mistulang naging isang rally ang nangyari, dahil ang grupo ng mga magulang ay nasa labas ng paaralan na naghihintay para sa paglabas ng kanilang mga anak.
Inatasan ni Mayor Peña ang pamunuan ng Maka-ti City Police, na imbestiga- han ang naturang insidente.
Ayon naman kay Dra. Clarissa Modes, ng OsMak na nagsagawa ng check-up sa mga biktima, sinusuri pa nila kung anong pagkain ang nagsanhi upang makaranas ang mga biktima nang pagsusuka at pananakit ng tiyan.
- Latest