Housing materials ipinamahagi sa Tondo fire victims
MANILA, Philippines – Namahagi kahapon si Manila Mayor Joseph Estrada ng mga materyales para sa muling pagtatayo ng bahay ang may 120 na pamilya na mga biktima ng sunog sa Tondo noong bagong taon.
Ayon kay Erap, personal siyang nangalap ng donasyong housing materials sa mga kaibigan at pribadong sektor, partikular ang mga kahoy, bubong at pati mga pako para ipamahagi sa mga biktima na naging masama ang salubong ng bagong taon.
Matatandaang nilamon ng sunog ang naturang mga bahay sa Barangays 155 at 160 sa Dagupan Extension, Tondo, Manila dakong 3 ng madaling-araw noong Enero 1. Isang daan at tatlumpung kabahayan ang nasunog kung saan ay may higit 2,000 ang nakatira doon.
Ang mga biktima ay kinakalinga ng city government sa evacuation site kung saan ay regular silang pinakakain at inaasikaso ng mga doktor. Binibigyan sila ng almusal, tanghalian, hapunan ng Manila Social Welfare sa evacuation centers.
Ibinalita ni Estrada na sa tulong aniya ng laborers ng city hall at volunteers ay matatapos ang mga bahay ng fire victims sa loob ng isang buwan.
“Ngayon, masaya na ako kasi nakuha na namin ang halos lahat ng materyales na ipagpapagawa ng mga bahay nila,” sabi ni Erap. Nakalikom din aniya siya ng tatlong trak ng imported clothing para sa mga biktima.
- Latest