Bagitong pulis, nagwala, namukpok ng baril
MANILA, Philippines – Kulungan ang binagsakan ng isang bagitong pulis nang magwala at mamukpok ng baril sa isang birthday party na hindi siya imbitado, Sabado ng gabi sa Caloocan City.
Nahaharap ngayon sa patung-patong na kasong slight physical injury, trespassing at malicious mischief ang suspek na si PO1 Jake Valleroso, nakatalaga sa Regional Public Safety Battalion sa Camp Bagong Diwa, Taguig City bunsod na rin ng reklamo ng biktimang si Bryan Cayabyab, 21, estudyante; Richard Cleofe, 48; at Angelina Soriano-Cayabyab, 44, pawang mga residente ng No. 87 M. Peralta St., Brgy. 63, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Caloocan City Police, nagkakasiyahan ang mga biktima sa may kanto ng 10th Avenue West at Peralta Street dakong alas-11:45 ng gabi dahil sa birthday party nang dumating ang suspek na lango rin umano sa alak at armado ng isyu sa kanya na baril.
Agad na tinutukan nito ng baril ang mga biktima at pinukpok ng baril sa ulo si Bryan.
Dahil sa takot na tuluyang mamaril ang suspek, nagsitakbuhan sa kanilang bahay ang mga biktima ngunit sinundan pa rin umano ni Valleroso.
Pilit umanong sinisira ng suspek ang pinto ng bahay ni Bryan hanggang sa dumating ang mga tauhan ng barangay at Police Community Precinct 2 na siyang umaresto sa suspek.
Patuloy namang inaalam ng pulisya ang motibo sa panggugulo ng suspek sa mga biktima. Nabatid naman na may umiiral na ordinansa sa lungsod na nagbabawal sa inuman sa kalsada.
Maaari naman ito kung may kaarawan na ipinagdiriwang ngunit kailangan pa umanong kumuha ng permiso sa barangay.
- Latest