Kawatan sa prusisyon, timbog
MANILA, Philippines – Hindi nakalusot ang isang 27-anyos na snatcher sa dami ng mga pulis na nakatalaga sa Traslacion, nang maaresto ito makaraang mandukot sa kasagsagan ng pag-usad ng prusisyon sa bahagi ng National Museum sa P. Burgos St., Ermita, Maynila, kahapon ng umaga.
Sinabi ni P/Supt. Roberto Domingo, hepe ng Manila Police District-station 6, at nakadetail sa Traslacion, dakong alas-10:15 ng umaga habang mabagal pa ang pag-usad ng prusisyon ay nadakip ang suspek na si Mark Gallos, miyembro ng ‘Bahala na Gang’.
Nabatid na habang abala na makalapit sa Andas ang biktimang si Mark Cabulas, 44, shoe designer, residente ng Doña Betang Subdivision, Pasig City, ay sinamantala siyang dukutan ng suspek na napansin kaagad ng mga nakakalat na kapulisan.
Inaresto ang suspek at nabawi naman ang Lenovo cellphone ng biktima.
Sinabi ni MPD Director Chief Supt. Rolando Z. Nana na sa dami ng mga pulis na nakadetail sa Quirino Grandstand, sa paligid ng Quiapo Church at sa mga daraanang ruta ng Translacion kaya nahirapan ang mga mandurukot.
May ilang insidente rin ng snatching at pickpocketing na minimal lamang.
- Latest