9 na bus company, pagmumultahin ng tig-P1M ng LTFRB
MANILA, Philippines – Pagmumultahin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng tig-isang milyong piso ang siyam na bus company makaraang pumasada ang bus unit ng mga ito kahit walang special permit na naipagkaloob sa kanila ang ahensiya noong holiday season sa ilalim ng ‘Oplan Krismas’.
Noong holiday season, nagbigay ng special permit ang LTFRB sa mga nag-aplay ng permiso para makapasada sa ibang ruta para ayudahan ang dagsa ng pasahero. Pero natuklasan nilang ang siyam na bus company ay may mga unit na pinapasada nang walang permit.
Ang mga pagmumultahin ng tig-iisang milyon ng LTFRB ay Mega Bus line na may plakang TYJ 534, Alps the Bus Inc. (TYS 368 ), Raymond Transport (UVH 621),Wega Transport Corp (AIA 1357),United Land Transport and Bus Inc. tatlong unit na walang special permit (AIA 9134)(AIA 9133) (AIA 9130), Dimple Star Bus (TYR 393) at Cul Transport na dalawang unit ang pumasada ng walang special permit (HVP 746) (EVR 716) gayundin ang Del Monte Motor Works Inc. (TYX 954) at Roro Bus Transport (UVT 504).
Ayon kay LTFRB boardmember Ariel Inton, ang naturang mga bus unit ng naturang mga bus company ay pawang out of line o pumasok sa ibang ruta noong holiday season ng wala namang special permit na nakuha mula sa ahensiya.
May kaukulang multa naman ang ipapataw sa Bicol Isarog Transport system Inc. nang lumabag sa sinasaad ng kanyang franchise dahil sa mga reklamong delayed arrival, discharge of buses at mababahong sasakyan
Ang mga nahuling bus unit ay pawang naka-impound sa LTFRB impounding area batay sa report ni Atty. Robert Peig, Region 4 director ng LTFRB.
“This time malamang na makakolekta na kami ng penalty kasi hindi na kailangan dito ang mga motion, dahil kitang-kita naman sa kaso nila na pumasada sila sa hindi nila ruta at wala silang special permit “pahayag ni Inton.
Sa ilalim ng Joint Administrative Order (JAO) order 1— ang lahat ng colorum bus o out of line buses ay pinagmumulta ng P1 milyon.
- Latest