Kaligtasan ng mga deboto, tiyakin --Erap
MANILA, Philippines – Tiniyak ni Manila Mayor Joseph Estrada na siya ring Hermano Mayor sa pista ng Black Nazarene na ginagawa nila ang lahat ng paraan at paghahanda upang maging ligtas ang mga deboto na lalahok sa traslacion sa Sabado.
Sa ginanap na pagpupulong kahapon sa Pope Benedict Building sa Quiapo, sinabi ni Estrada na plantsado na ang preparasyon sa traslacion mula sa paglipat ng imahe ng Nazareno mula sa Luneta Park hanggang sa simbahan ng Quiapo kung saan naka-antabay na ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang national agency.
Binigyan-diin ni Estrada na prayoridad niya ang peace and order sa kapistahan lalo na ang prusisyon kung kaya’t nilinis ang lahat ng kalsada mula sa iba’t ibang uri ng obstruction.
Sinabi naman ni Johnny Yu, Director ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) na siyang nangangasiwa sa crowd control at management, ay mahigpit nilang minomonitor ang lahat ng detalye ng mga paghahanda sa okasyon na inaasahang dadagsain ng 13 hanggang 15 milyong katao.
Kasabay nito, pinaboran naman ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang panukala ni Manila Vice Mayor Isko Moreno Domagoso na muling barikadahan ang Quezon Bridge tulad ng ginawa noong nakaraang dalawang taon para na rin sa kaligtasan ng mga deboto.
Ayon sa DPWH, epektibo ang sistema na sa Jones Bridge na lang muli idaan ang Traslacion habang kinikumpuni ang Quezon Bridge. Nakaantabay din dito ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard.
Inasikaso naman ng City Engineering Office sa pangu-nguna ni Engr. Roberto Bernardo ang monitoring sa mga kalsadang dadaanan ng prusisyon kung saan nagsasagawa ng clearing operations upang tiyakin na walang balakid sa mga lansangan mula sa Quirino Grandstand hanggang sa Quiapo Church.
Nabatid na magkakaroon ng dalawang malaking prusisyon: Isa ay sa Enero 7-8 na prusisyon ng mga replica ng santo, at ang mismong traslacion sa Enero 9.
- Latest