Traffic police niratrat, patay
MANILA, Philippines – Patay ang isang traffic police matapos itong pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek, kahapon ng tanghali sa Caloocan City.
Dead-on-arrival sa Nodados Hospital ang biktimang si SPO3 Carmelito Selvino, kasalukuyang nakatalaga sa Caloocan City Traffic North na nagtamo ng maraming tama ng bala sa ulo at katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.
Nagsasagawa pa ng follow-up ang pulisya at inaalam na ang pagkaka-kilanlan ng suspek.
Sa inisyal na report na natanggap ni Senior Supt. Bartolome Bustamante, hepe ng Caloocan City Police, naganap ang insi-dente alas-12:20 ng tanghali sa may Aidalyn Store, Bagong Silang Wet Market, Phase 4, Brgy. Bagong Silang, North Caloocan kung saan may pag-aaring stall dito ang biktima.
Nakatayo ang biktima sa naturang lugar nang biglang dumating ang isang lalaki na hindi nito namalayan at walang sabi-sabing pinagbabaril ang una.
Agad na bumulagta ang pulis habang mabilis namang tumakas ang suspek matapos ang isinagawang krimen.
Ang biktima naman ay mabilis na isinugod sa naturang ospital ng ilang taong naroroon, subalit hindi na ito umabot ng buhay. Iniimbestigahan pa ng pulisya ang motibo nang pamamaslang at kung may kinalaman ito sa trabaho bilang traffic police.
- Latest