MMDA kinondena ang pagpaslang sa traffic enforcer sa QC
MANILA, Philippines –Kinondena ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ngayong Lunes ang pagpaslang sa isa nilang kasamahan sa lungsod ng Quezon.
Sinabi ni MMDA Chair Emerson Carlos na pananagutin nila ang nasa likod ng pagpaslang kay traffic enforcer Sydney Role.
Pinagbabaril si Role kaninang 3:20 ng dalawang kalalakihang sakay ng motorsiklo sa panulukan ng Commonwealth Avenue at Tandang Sora.
Pinara ng biktima ang mga suspek dahil sa pag-counter flow ngunit sinalubong si Role ng dalawang bala sa ulo ng isa sa mga suspek.
Kaagad tumakas ang mga suspek matapos bumulagta sa kalsada ang duguang si Role.
Naisugod pa sa East Avenue Medical Center ngunit hindi na siya umabot nang buhay.
Tiniyak ni Carlos na gagampanan pa rin nila ang kanilang trabaho sa kabila ng peligrong kanilang kinakaharap.
“This act of senseless violence shall not go unpunished especially done to a government servant who was just doing his job.” Pahayag ni Carlos.
- Latest