Resto bar nilooban, 2 ‘Akyat Bahay’ timbog
MANILA, Philippines – Natimbog ng mga otoridad ang dalawang Akyat Bahay gang matapos na pasukin ang isang resto bar at unti-unting limasin ang mga gamit sa loob nito sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Sa ulat ng Quezon City Police District Station 10, ang mga suspect ay kinilalang sina Loui Cunanan, 26, may asawa at Joey Samera, 26, pawang mga residente sa Brgy. South Triangle sa lungsod na positibong kinilala ng isang residente na nanloob sa Never Hurt Resto bar na matatagpuan sa 109 Sct. Torillo St, kanto ng Sct. Fuentebella St., ng nasabing barangay. Ayon kay PO2 Myron Forosan, imbestigador, nadiskubre ang pagnanakaw ng isang Rolando Aleontin nang dumating ito sa bar alas 7:30 Sabado ng umaga.
Sinasabing ang bar ay kasalukuyang nire-renovate at dahil holiday ay walang manggagawa rito at ikinakandado lamang. Dahil dito, nagkaroon ng tsansa ang mga suspect dala ang isang tricycle ay sinimulang pasukin ang bar at nakawin ang mga gamit sa loob tulad ng dalawang high pressure burner (P4,000); isang LD speaker (P5,000); isang electric drill (P2, 500); isang speaker cord (P1,000); tatlong piraso ng audio speaker (P15,000); isang light controller (P4,200); isang hitachi electric grinder (P2,500); KCT electric drill (P2,500); isang electric jack hammer (P25,000); at isang wild corp inverted welding machine (P10,000).
Nabatid pa ng imbestigador na sinimulang pasukin ng mga suspect ang bar at pagnakawan ito noong kasagsagan ng pagdiriwang ng Bagong Taon hanggang madiskubre lamang nitong Sabado ni Aleontin.
Ang insidente ay agad na ipinagbigay alam ni Aleontin sa barangay na agad ding humingi ng ayuda sa pulisya. Sa ginawang follow-up operation ay nasakote ang mga suspect at nabawi mula sa mga ito ang ibang gamit.
- Latest