Panatilihing malinis ang Luneta Park – Erap
MANILA, Philippines – Upang siguruhin na malinis ang mga pampublikong parke at pasyalan sa Maynila, magde-deploy ang city government ng 30 street sweepers sa Luneta Park kung saan 600 sakong basura ang nalikom noong nakaraang Pasko.
Sa kanyang direktiba, iniutos ni Mayor Joseph Estrada kay Arsenio Lacson, Jr., hepe ng Parks Development Office, na ayusin at pagandahin ang Rajah Sulaiman Park sa Roxas Blvd. na siyang pagdarausan ng “Sulong Manila!”, ang New Year countdown na pangungunahan ng pamahalaang lungsod.
Bumuo ang city engineering office ng Task Force Clean Up para magde-deploy ng mga street sweepers sa mga parke upang siguruhin na magiging malinis ang pasyalan at agad na mahahakot ang mga basura na maaaring maiwan ng mga bumisita dito kinagabihan.
Tutulong ang task force sa pamunuan ng Luneta Park upang linisin at mapaganda ang tinaguriang pambansang pasyalan na inaasahang dadayuhin ng libu-libong tao at magiging tagpuan ng pagsama-sama ng mga pamilya.
Bukod dito ay magpapadala rin ang city government ng mga sanitation personnel sa mga iba’t ibang plaza at pamilihan gaya ng Quiapo, Divisoria at Blumentritt.
Naka-full alert na rin ang 3,100 puwersa ng Manila Police District upang siguruhin ang kaligtasan at seguridad ng mga mamamayan ng Maynila kasabay ng kabi-kabilang pagdiriwang ng pagtatapos ng 2015.
Ayon kay Supt. Marissa Bruno, magpapakalat sila ng pulis sa mga lugar na may mabigat na konsentrasyon ng mga tao, gaya ng Luneta at Rajah Sulaiman Park, at magpapatupad din sila ng mga traffic rerouting schemes.
- Latest