Taguig PNP pinuri ni Mayor Lani
MANILA, Philippines – Pinapurihan ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang Taguig City Police Station dahil sa mahusay na anti-crime campaign nito sa buong taon ng 2015.
“Malugod kong binabati ang Taguig City Police Station, sa pamumuno ni Senior Supt. Arthur Felix Asis, sa matagumpay nilang kampanya laban sa kriminalidad. Hindi sila napapagod sa paglilingkod at pagbibigay proteksyon sa ating lahat.” ani Mayor Lani.
Ang papuri ay kasunod na rin nang pagkakalansag ng pinagsanib na puwersa ng Taguig Police at Bulacan Provincial Police Office sa isang “chop-chop” syndicate na sangkot umano sa pagbebenta ng iba’t-ibang parte ng mga nakaw na trak at iba pang sasakyan sa Barangay Lower Bicutan kamakalawa.
Ang pagkakadiskubre na ito sa chop-chop truck parts warehouse sa nasabing barangay ay matagumpay na naisakatuparan ng Taguig City PNP at Bulacan Provincial PNP sa pamamagitan na rin ng GPS (global positioning system) device na nakakabit sa isang trak na tinangay sa Sta. Maria, Bulacan.
Sa naturang warehouse, tumambad sa mga operatiba ang sari-saring parte ng trak kabilang ang mga chassis, gulong, mga plaka ng sasakyan, at maging mga dokumento ng ilang kumpanya na posibleng nagmamay-ari sa mga ninakaw na sasakyan. Isa sa mga trak doon ay nagawang matukoy o makilala ng may-ari subalit wala na ang mismong makina nito.
Ayon kay Mayor Lani, ang pagkakaroon ng solid at matibay na relasyon sa pagitan ng city government at city police station ay nagresulta sa pagtanggap ng iba’t-ibang parangal ng Taguig City sa kampanya nito hinggil sa pagsugpo sa kriminalidad.
- Latest