School building sa Pasig, tupok sa sunog
MANILA, Philippines – Problema ang kinakaharap ng mga high school students ng isang unibersidad sa Pasig City sa kanilang pagpasok sa paaralan sa Enero 4, ito ay matapos tupukin ng apoy ang pinapasukan nilang paaralan kahapon ng umaga.
Batay sa ulat ng Pasig City Fire Department, pasado alas-10:00 ng umaga nang maganap ang sunog sa high school department ng Arellano University na matatagpuan sa Brgy. Caniogan, sa Pasig City.
Unang napansin ng guwardiya ng paaralan na may usok na nagmumula sa canteen.
Nang kanyang buksan ang pinto, nakita nito na maitim na ang usok na nagmumula sa kuwarto ng caretaker ng kantina.
Hindi naman na nagawa pang maagapan ang sunog dahil nagsisikip na ang paghinga ng guwardiya kaya’t ipinasyang lumabas na ng gusali at mabilis na tumawag ng bumbero.
Pagsapit ng alas-10:30 ng umaga ay itinaas sa ikalawang alarma ang sunog.
Dahil gawa lamang sa kahoy ang gusali kaya mabilis na tinupok ng apoy ang kabuuang 10 kuwarto o school room ng unibersidad.
Inaalam pa ng mga pamatay-sunog ang pinagmulan ng apoy na naideklarang fire out dakong alas-11:00 ng umaga.
Wala namang naiulat na nasaktan o kaya’y nasawi sa naganap na sunog.
- Latest