Kelot timbog sa 10 kilo ng marijuana
MANILA, Philippines – Natimbog ng mga operatiba ng Quezon City Police District Anti-Illegal-Drugs (QCPDAID) ang isang lalaki makaraang makuhanan ng 10 kilo ng marijuana sa isinagawang buy-bust operation sa lungsod kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni PO2 Roniel Bandales, ng DAID, nakilala ang suspect na si Ferdinand Aljacera, 29, ng Lantana St., Brgy. Immaculate Concepcion sa lungsod.
Ayon kay Senior Insp. Dondon Llapitan, ang operasyon kay Aljacera na itinuring nilang no.1 sa listahan ng drug personality ay kasunod ng mga naunang operasyon na ginawa ng Criminal Investigation and Detection unit (CIDG) noong nakaraang linggo na dito nasamsam ang may 100 kilo ng marijuana.
Dagdag ng DAID, ang suspect umano ang nagbabagsak ng marijuana sa buong Metro Manila na inaangkat nila sa probinsyang Benguet.
Nang makarating umano ang impormasyon sa DAID kaugnay sa iligal na operasyon ng suspect ay agad silang nagsagawa ng surveillance at nang magpositibo ay saka pinlano ang buy bust operation.
Sa operasyon ay nagpanggap na bibili ng droga ang isang operatiba ng DAID sa suspect ng higit sa halagang P100, 000 kapalit ang 10 kilo ng marijuana na gagawin sa lungga ng huli hanggang sa maganap ang pag- aresto.
Narekober sa suspect ang 3 bloke ng marijuana at isang piraso ng P500 bill na marked money na nakahalo sa boodle money na ginamit sa buy bust.
Ang suspect ay nakapiit ngayon sa nasabing himpilan sa Camp Karingal sa kasong paglabag sa section 5 (selling of dangerous drugs) article 2 ng Republic Act 9165 o ang comprehensive dangerous drugs act of 2002.
- Latest