Trike driver utas sa tandem
MANILA, Philippines – Patay ang isang 55 anyos na tricycle driver makaraang pagbabarilin ng riding in tandem habang ang una ay naghihintay ng kanyang pasahero sa isang terminal sa lungsod Quezon kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) nakilala ang biktima na si Leoncio Rosales, biyudo ng Ternate St., Talanay Area B, Brgy. Batasan Hills sa lungsod.
Ayon kay PO2 Roldan Cornejo, imbestigador sa kaso, nagawa namang makita ng anak ng biktima ang suspect na nakasuot ng itim na jacket at sakay ng isang motorsiklo na walang plaka, pero hindi naman niya ito nakilala.
Sa imbestigasyon, nangyari ang insidente sa may harap ng BATODA sub-terminal na matatagpuan sa kahabaan ng Session Road, malapit sa kanto ng Ternate St., sa nasabing lugar, ganap na ala-1 ng madaling araw.
Sabi ni Lionel Rosales, anak ng biktima at isa ring tricycle driver, na natutulog siya sa kanyang tricycle habang naghihintay ng pasahero nang magising siya sa mga putok ng baril malapit sa kanyang lugar.
Nang kanya umanong tingnan ang pinanggalingan ng putok ay nakita niya ang suspect na may hawak ng baril habang nakatutok pa sa kanyang ama.
Samantala, nang makita naman ng suspect si Lionel na nagising ay tinutukan din siya nito ng baril bago sumakay sa kanyang motorsiklo at sumibat patungo sa hindi mabatid na direksyon.
Agad na humingi ng tulong ang batang Rosales sa napadaang barangay tanod na si Roel Sosada na nagpapatrulya sa lugar at siya namang tumawag ng otoridad para sa pagsisiyasat.
Sa pagsisiyasat ng scene of the crime operatives (SOCO) narekober sa lugar ang apat na basyo ng bala ng kalibre. 45 baril. Nagtamo naman ng multiple gunshot wounds ang biktima.
- Latest