Zero fire incidence, fireworks-related injury target ni Erap
MANILA, Philippines – Inatasan ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ang lahat ng opisyal at barangay ng pamahalaang lungsod ng Maynila na maging alerto at handa ngayong holiday break upang siguruhin ang kaligtasan ng mga mamamayan mula sa banta ng sunog at aksidente dulot ng mga paputok.
Ayon kay Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Director Johnny Yu, ang direktiba ni Estrada paniniyak na walang magaganap na sunog at masasaktan mula sa mga paputok.
Sinabi ni Yu na nitong mga nakaraang taon, nakaka-monitor ng pagtaas ng bilang ng mga insidente ng sunog sa lungsod. Nakapagtatala umano sila ng apat hanggang limang sunog sa buong Metro Manila sa mga araw na ito kasabay ng paghahanda at pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
Sa datos ng Manila Fire District, mayroon nang 36 insidente ng sunog sa lungsod ng Maynila sa unang tatlong linggo ng Disyembre 2015, 13 dito ay umabot sa high-alarm status.
Samantala, hinikayat ng pamahalaang lungsod ang publiko na umiwas sa paggamit ng paputok kasunod na rin ng maigting na kampanya ng Department of Health.
Iginiit ni Estrada na masama ang epekto ng paputok sa mga kabataan lalo pa’t marami sa mga nabibiktima nito ay nabubulag, napuputulan ng kamay, at nagkakaroon ng permanenteng kapansanan.
Noong isang taon ay may naitalang 228 firecracker injuries sa Maynila at karamihan sa mga biktima ay nasa edad 5 hanggang 14 mula sa Tondo.
Nanawagan naman si Estrada sa buong puwersa ng pulis at opisyal ng barangay na tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad ng mga batas na nagbabawal sa pagbebenta at paggamit ng ilegal na paputok.
Hiniling naman ni Yu ang kooperasyon ng publiko upang masiguro na walang mangyayaring sunog at pinaalalahanan ang lahat na maging maingat at tiyakin na nakapatay at naka-unplug ang mga de-kuryenteng gamit bago umalis ng tahanan o opisina.
- Latest