Namamasyal sa Luneta walang disiplina - Ecowaste
MANILA, Philippines – Kinastigo ng isang environmental group ang patuloy na pagkakalat at kawalang-respeto umano ng mga namamasyal sa Luneta sa ating bayaning si Gat. Jose Rizal makaraang tone-toneladang basura ang muling mahakot matapos ang Pasko.
Sa ipinadalang pahayag, sinabi ni Aileen Lucero, coordinator ng EcoWaste Coalition na mistulang itinuring nang isang “dumpsite” ng publiko ang Rizal Park dahil sa walang patumanggang pagkakalat.
Lumilitaw na sa inisyal na ulat ng National Park Development Committee, nasa 10 trak ng basura ang nahakot sa parke nitong Disyembre 24 at 25.
Sinabi ni Lucero na kawalang-respeto ang ginagawa ng mga nagtutungo sa Luneta at nagkakalat kay Rizal na kilala bilang kampeon ng kalikasan at kalusugan.
“The garbage left by the visitors would have angered Rizal, the environmentalist, possibly driving him to write ‘Waste Not’ as a sequel to ‘Noli Me Tangere’ (touch me not),” dagdag nito.
Hindi rin umano isinaalang-alang ng mga “litterbugs” ang dobleng hirap at dagdag na oras na dinaranas ng mga kakarampot na tagalinis ng parke.
Ipinaalala nito na labag sa batas ang pagkakalat base sa Republic Act 9003 o “Ecological Solid Waste Management Act at may katumbas na mula mula P300 hanggang P1,000 bukod pa sa community service.
Sa paparating na bisperas ng Bagong Taon, inaasahan na dadagsang muli ang publiko sa Luneta at pinangangambahan muli na napakaraming kalat ang maiiwan mula sa mga walang disiplinang publiko.
- Latest