Huwag nang magpaputok sa Bagong Taon - BFP
MANILA, Philippines – Huwag nang gumamit ng paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ito ang muling panawagan ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa publiko bilang paalala sa masamang idudulot anya nito sa mga taong gagamit ng paputok para makapag-ingay sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon kay Supt. Renato Marshal, tagapagsalita ng BFP, nagiging delikado pa anya sa mga tao ang pagpapaputok dahil magreresulta lamang ito sa pagkasugat at higit sa lahat ay ang sunog.
Bukod dito, masama rin umano ito sa kalusugan ng tao, partikular ang mga usok na malalanghap mula sa mga paputok, gayundin sa kalikasan.
Base sa tala ng BFP, simula ng December 31 hanggang January 1, ng nakaraang taon ay umabot sa 18 sunog ang naitala ng kanilang kagawaran sa Metro Manila na may kinalaman sa paputok.
Giit pa ng opisyal, mas makakaigi anya na gumamit na lamang na mga alternatibong pamamaraan sa pagsalubong sa Bagong Taon para makapagdiwang at para magsaya na mas ligtas kaysa sa paputok.
Samantala, nagbabala rin ang BFP sa mga taong magsusunog ng gulong na mahigpit na ipinagbabawal ito alinsunod sa batas na clean air act.
Nakakasira din anya sa kalusugan ang hanging dulot ng usok nito at posibleng magdulot din ng sunog kapag may naganap na malakas na pagsabog sa mga paputok na inilalagay dito.
Nanawagan din ang BFP sa mamamayan na ipagbigay alam sa kanila ang sinumang makitang nagsusunog ng gulong partikular sa pagtawag sa kanilang hotline 117 o 7295166 para agad nilang maaksyunan.
- Latest