Sunog, fireworks-related injury pinatututukan sa Maynila
MANILA, Philippines – Inatasan kahapon ni Mayor Joseph Estrada ang lahat ng opisyal at barangay ng pamahalaang lungsod ng Maynila na maging alerto at handa ngayong holiday break upang siguruhin ang kaligtasan ng mga mamamayan mula sa banta ng sunog at aksidente dulot ng mga paputok.
Ayon kay Johnny Yu, hepe ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), ang mahigpit na direktiba ni Estrada ay tiyakin na walang magaganap na sunog at masasaktan mula sa mga paputok.
Pagbabahagi ni Yu, nitong mga nakaraang taon kasi kagaya ng mga panahong ito sila ang nakaka-monitor ng pagtaas ng bilang ng mga insidente ng sunog sa lungsod.
“Mas madalas ang sunog sa mga petsang December 24, 25, 30, 31, at January 1,” saad niya at mayroon silang naitatalang apat hanggang limang sunog sa buong Metro Manila sa mga araw na ito kasabay ng paghahanda at pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
Sa datos ng Manila Fire District, mayroon nang 36 insidente ng sunog sa lungsod ng Maynila sa unang tatlong linggo ng Disyembre 2015, 13 dito ay umabot sa high-alarm status.
Noong Disyembre ng isang taon, mayroong 29 insidente ng sunog ang naitala sa lungsod.
Inatasan din ni Estrada ang buong puwersa ng pulis at opisyal ng barangay na tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad ng mga batas na nagbabawal sa pagbebenta at paggamit ng ilegal na paputok.
- Latest