Holdaper sugatan sa shootout
MANILA, Philippines – Isa sa dalawang holdaper ang malubhang nasugatan makaraang mabaril nang rumispondeng pulis ilang segundo matapos na holdapin ng mga una ang isang Tsinoy sa Barangay Maharlika, lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Sa ulat ng Quezon City Police Station 1, ang sugatang suspect ay nakilalang si Robin Cariño, 21, ng Lico St., Tondo Manila. Habang patuloy naman ang pagtugis sa kasama nitong nakatakas na si Roberto Milanes na naninirahan din sa nasabing lugar.
Ayon kay PO1 Nathaniel Nonato, imbestigador sa kaso, si Cariño ay positibong itinuro ng kanyang biniktimang si Brian Terrence Tan, 25, na isa sa mga nangholdap at nagtangkang tumangay sa kanyang wallet.
Sa imbestigasyon, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng D. Tuazon kanto ng Sta Catalina St., Barangay Maharlika, ganap na alas-7 ng umaga.
Sinasabing naglalakad umano ang biktima nang sumulpot mula sa likuran nito si Cariño sabay tutok ng baril at nagdeklara ng holdap, bago tuluyang kinuha ang wallet ng biktima at saka tumakas.
Tiyempo namang nagpapatrulya ang tropa ng PS1 sa pangunguna ni PO2 Alvin Macrohon at nakita ang pangyayari hanggang sa harangin nila si Cariño.
Pero sa halip na sumuko, pinaputukan umano ni Cariño ang mga pulis, pero nagmintis ito, hanggang sa magpasya si PO2 Macrohon na paputukan na ito at tamaan sa kaliwang leeg. Nabawi sa suspect ang wallet ng biktima , saka itinakbo ito sa Sta. Teresita hospital para magamot.
Sa ginawang follow-up operation ng PS1, ikinanta ni Cariño ang kasamahan na si Milanes na nagsilbing driver ng motorsiklo na ginamit nila sa panghoholdap sa biktima.
- Latest