Simbang Gabi sa Metro Manila mapayapa - NCRPO
MANILA, Philippines – Generally peaceful!
Ito ang idineklara kahapon ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kaugnay ng pagtatapos ng tradisyunal na siyam na araw na Simbang Gabi para sa pagdaraos ng kapaskuhan sa buong Metro Manila.
Ayon kay Chief Inspector Kimberly Gonzales- Molitas, Spokesperson ng NCRPO sa kanilang assessment ay naging mapayapa ang pagdaraos ng Simbang Gabi mula Disyembre 16 hanggang Disyembre 24 dahilan walang nairekord na mga karahasan o mabibigat na insidente ng kriminalidad.
Sinabi ni Molitas na nasa 224 mga Simbahang Katoliko sa Metro Manila ang mahigpit na binantayan ng 161 NCRPO operatives upang tiyakin ang kaligtasan ng mga deboto na dumadalo sa Simbang Gabi.
Inihayag ni Gonzales na bukod sa daang puwersa ng mga limang Police District sa Metro Manila ay karagdagang tauhan ang kanilang idinagdag para matiyak ang seguridad sa mapayapa at matiwasay na pagdiriwang ng kapaskuhan.
Samantalang bukod dito ay may libu-libo pang mga pulis ang ipinakalat naman sa mga shopping malls, pook pasyalan, terminal ng mga pampublikong sasakyan at iba pang mga matataong lugar .
Ang NCRPO ay una nang nagdeklara ng full alert status kaugnay ng pago-obserba sa Simbang Gabi.
Samantalang, matapos ang Simbang Gabi ay tututukan naman ng NCRPO ang pagsalubong sa Bagong Taon kung saan mahigpit ang tagubilin ni NCRPO Chief P/Director Joel Pagdilao sa kanilang mga tauhan na huwag masasangkot sa indiscriminate firing upang maiwasan na makadisgrasya lalo na ng mga inosenteng sibilyan.
Gayundin, puspusan rin ang operasyon ng NCRPO operatives laban sa mga illegal o malalakas na uri ng paputok at pyrotechnics .
Nabatid na matapos ang Bagong Taon ay tatanggalan ng selyo ang dulo ng mga baril ng mga pulis sa NCRPO upang inspeksyunin kung sino ang mga sumuway sa kautusan.
- Latest