‘Brenda’ tutulungan ng ILAW ng Maynila
MANILA, Philippines – Tutulungan ng samahang ILAW o Initiatives for Life and Actions of Women ang mga kababaihan at batang dumaranas ng matinding depresyon sa buhay.
Ito ang binigyan diin ni Jerika Ejercito Estrada, anak ni Manila Mayor Joseph Estrada kasabay ng paglulunsad ng proyektong tutulong sa mga biktima ng iba’t ibang pang-aabuso na tinaguriang “Brenda.”
Matapang na inamin ni Jerika na siya mismo ay dumanas noon ng depresyon kasunod ng pagkakatanggal sa puwesto at pagkakakulong ng kanyang ama bilang Pangulo ng bansa. Ang sariling karanasang ito at ang kanyang pagiging ina ang nagtulak sa kanya upang itatag ang ILAW.
Ayon kay Jerika ngayong siya ay ina na rin, mas nauunawaan niya ang mga hirap at pagtitiis na pinagdaraanan ng isang babae, lalo na ang mga mahihirap na maaaring walang kakayahan at pangtustos upang maka-access ng kaukulang ayuda upang masolusyunan niya ang depresyon.
Lubos niyang ikinalulungkot ang panghahamak at paggawa ng katatawanan sa mga taong may depression at mental problems na kadalasang tinatawag na “Abnoy” o “Brenda.”
Isa sa pangunahing programa ng ILAW ay ang pagsiguro na ang lahat ng mga police stations at barangay sa Maynila ay mayroong sariling VAWC desk na may tauhan na may sapat na kasanayan at kaalaman.
Sadyang malapit kay Jerika ang isyu ng mental health, katunayan ay nagtayo siya ng sariling foundation o NGO – ang “Be Healed” – apat na taon na ang nakakaraan, na tinatawag na ngayong “I am the Issue.” Ito ay tumutulong hanggang ngayon sa mga kababaihan na dumaranas ng matinding depresyon. Katuwang nito ang National Bureau of Investigation sa pag-asikaso at pag-evaluate sa mga kaso ng kababaihan.
- Latest