60 pamilya benepisyaryo sa housing program ng Parañaque
MANILA, Philippines – Upang magkaroon ng disenteng pamumuhay, nasa 60 pamilya ang ire-relocate sa kanilang mga bagong tirahan bunga ng patuloy na pagpapatupad ng socialized housing program ng pamahalaang lungsod ng Parañaque at Home Foundation Inc.
Nabatid kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, ang mga informal settler families ay nagmula sa Barangay Don Bosco, San Antonio at Barangay Moonwalk at ililipat ang mga ito sa Bagong Parañaque Homes, na matatagpuan sa C5 Road Extension, Barangay La Huerta ng naturang lungsod.
Ang nasabing relokasyon ay bahagi ng paglalayon ng pamahalaang lungsod, na mailikas sa mas ligtas at malinis na lugar ang mga pamilya na ang bahay na nasa mapanganib na lugar tulad ng tabi ng mga kanal, riverbanks at maging sa ilalim ng mga tulay at sa gilid at airport.
Nabatid, na ang tatlong ektaryang relocation site ay dinevelop ng city government na kung saan ay pwedeng patayuan ng 2-storey condominium na aabot sa 1,000 housing units.
Ayon pa kay Olivarez, ang naturang mga bahay ay babayaran ng mga ito sa murang halaga, P200 kada buwan sa loob ng 30-taon.
Katuwang ng pamahalaang lungsod ng Parañaque ang pagpapatupad ng housing program ay ang Habitat for Humanity, Rotary Homes Foundation at City Urban Mission Areas Development Office sa ilalim ng Parañaque City Housing Board.
- Latest