Kelot niratrat dedo
MANILA, Philippines – Patay ang isang lalaki makaraang pagbabarilin ng hindi nakikilalang salarin sa isang madilim na bahagi ng isang palengke sa lungsod Quezon kahapon ng madaling araw.
Si Rhey Jean Moreno, 28, ng 189 Litex Road Brgy. Commonwealth ay nasawi matapos ang pamamaril, ayon kay PO2 Louie Serbito, may-hawak ng kaso.
Sa imbestigasyon nangyari ang insidente sa may harap ng Litex market na matatagpuan sa Commonwealth Avenue ganap na alas-3 ng madaling araw.
Ayon sa testigong si Domingo Mayuga nagising na lang siya nang makarinig ng mga putok ng baril mula sa labas. Agad umano siyang lumabas para tignan ang pinanggalingan ng putok hanggang sa tumambad sa kanya ang duguang katawan ng biktima habang nakabulagta sa bangketa sa nasabing lugar.
Tinangka pang isugod sa East Avenue Medical Center ang biktima pero idineklara din itong dead on arrival.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives ang biktima ay nagtamo ng multiple gunshot wounds sa kanyang katawan.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.
- Latest